Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 1662 o Anti Hazing Bill na nakakuha ng 19 na boto mula sa mga Senador, walang komontra at walang ding abstention.
Ang panukala ay bunga ng pagdinig na isinagawa ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Panfilo Ping Lacson sa pagkamatay ng freshman UST law student na si Horacio Atio Castillo III matapos sumailalim hazing ng Aegis Juris Fraternity.
Inaamyendahan ng panukala ang Republic Act No. 8049 para lubusang ipagbawal ang hazing bilang pre-requisite sa pagpasok sa isang fraternity, sorority o alinmang organization.
Bawal din ang hazing sa pati sa armed forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Military Academy, Philippine National Police Academy at sa iba pang uniformed service learning institutions.
Kapag naisabatas, ang lalabag ditong miyembro ng organisasyon ay papatawan ng reclusion temporal o pagkakakulong hanggang 20 taon at multang P1 million.
At kapag sila ay nakainom o lasing pa ng isagawa ang hazing ay bibigat sa reclusion perpertua ang parusa o kulong na hindi bababa sa 30-taon at multang P2 million.
Kapag namatay ang biktima ng hazing o kaya ay ginahasa ito at nagkahiwalay-hiwalay ang bahagi ng katawan ay tataas sa P3 million piso ang multa bukod sa parusang reclusion perpetua.
Mananagot din pati ang may ari ng lugar kung saan gagawin ang hazing, ang paaralan na mabibigong pigilan ang hazing at ang sinumang may alam sa hazing pero hindi nagsumbong sa mga otoridad.