Manila, Philippines – Nagkakaisa ang mga kongresista mula sa MAKABAYAN na dapat mapanagot si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Bagamat ikinatuwa ng husto ng mga kongresista mula sa oposisyon ang pagbibitiw ni Aguirre, sinabi nila Gabriela Representatives Emmi De Jesus at Arlene Brosas na long overdue na ang pag-alis ni Aguirre sa DOJ.
Ginamit lamang anila na instrumento ng gobyerno ang DOJ para sa political persecution at para mapagtakpan ang mga kapalpakan ng pamahalaan sa gitna ng maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi naman ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago na guilty si Aguirre sa gross negligence, kawalan ng aksyon sa mga kaso ng extra-judicial killings, gayundin ang pagpapakulong sa maraming aktibista dahil sa pagtugis sa mga makakaliwang grupo at pagpatay sa mga Lumad at iba pang sector bunsod ng umiiral na batas militar sa Mindanao.
Ang pagbibitiw ni Aguirre ay hindi mangangahulugan na lusot ang dating kalihim maging ang pamahalaan sa lumalalang ‘culture of impunity’ sa bansa matapos na i-abswelto ang mga self-confessed drug lords na sina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter Co.