WALANG MALING INTENSYON | Facebook Ban issue, nilinaw ni Senator Poe

Manila, Philippines – Nilinaw ni Senator Grace Poe na hindi niya nais ipa-ban ang paggamit ng Facebook sa Pilipinas.

Kasunod na rin ito ng batikos ng ilang netizen kay Poe matapos na tanongin niya ang isang resource person sa pagdinig ng senado kaugnay sa isyu ng fake news kung maaari bang i-block ang Facebook sa bansa.

Ayon kay Poe, walang malisyosong intensyon ang kanyang tanong at hindi niya ito gagawin dahil maging siya ay gumagamit ng nasabing social media site.


Pero, binigyan diin ng senador sa mga nagpo-post ng mga personal na saloobin sa Facebook, maging responsable lalo na kung nababangga na ang batas.

Para naman sa mambabatas na si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon – hindi na kailangan pang i-ban ang Facebook para lang masawata ang fake news sa bansa.

Sa interview ng RMN, sinabi ni Biazon na dapat maging mapanuri ang publiko sa mga lumalabas na balita sa mga social media.

Ang Facebook ay naka-block ngayon sa mga bansa China, Iran at North Korea dahil ginagamit umano ito ng mga aktibista sa kanilang propaganda.

Facebook Comments