Boses ng publiko mula sa iba’t ibang sektor ang dapat na mangibabaw sa iminumungkahing Boracay Island Development Authority (BIDA) na ipinasa na ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ayon kay presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ito ang iginiit ni Lacson sa ginanap na town hall meeting sa Aklan Provincial Capitol nitong Martes (Abril 19), kung saan tinanong siya tungkol sa House Bill No. 9286 na target na magtatag ng government-owned and controlled corporation para sa dinarayong isla ng Boracay.
Sa ‘Panata sa Bayan’ presidential forum ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) noong Pebrero, naghayag ng pagsuporta si Lacson para sa BIDA bill. Pinanindigan niya ang posisyong ito sa kanyang pagbisita sa Kalibo, Aklan dahil naniniwala siya magandang konsepto ito.
Gayunman, binigyang-diin niya na kahit pabor siya sa panukalang batas, anumang aksyon na kanyang gagawin sa ilalim ng kanyang pamumuno ay ibabatay niya sa malalim na pag-aaral na isinasaalang-alang ang kalikasan at ang boses ng nakararami.
Sa pagtungo niya sa Western Visayas ngayong linggo, muling binanggit ni Lacson ang kanyang mungkahi bumuo ng tourism estates sa mga magagandang destinasyon sa buong bansa, tulad ng malaparaisong isla ng Gigantes sa Iloilo at Boracay sa Aklan.
Sinabi ni Lacson sa mga Ilonggo at Aklanon na ang plano niyang pangkaunlaran para sa turismo ay nakadikit sa kanyang pangunahing programa na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE).
Sa ilalim ng ganitong polisiya, ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ay magkakaroon ng kapangyarihan na magpatupad ng mga proyekto para sa kabuhayan ng mga tao at paglago ng ekonomiya sa kanilang lugar.
Ipinaliwanag ni Lacson na sa pamamagitan ng BRAVE, ang mga local government unit (LGU)—mula probinsya pababa sa mga barangay—ay magkakaroon ng development fund bukod pa sa kanilang national tax allotment para mapalakas ang iba’t ibang industriya nila, kasama na ang turismo.