Manila, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Filipino ang nadamay sa pinakabagong terror attack sa Northern Sinai, Egypt.
Sa pinakahuling datos, 235 na ang nasawi habang tinatayang nasa 109 na ang sugatan sa tinaguriang deadliest terrorist attack in Egypt’s modern history.
Ayon kay Philippine Ambassador to Cairo Leslie Baja, kahit na walang Pinoy casualties ay patuloy pa rin ang ginagawa nilang monitoring sa sitwasyon ng ating mga kababayan doon.
Kasunod nito, pinag-iingat din ng ating Embahada ang mga Filipino sa nasabing lugar at pinapayuhang maging mapagmatyag.
Samantala, tahasang kinukundena ng pamahalaan ang nangyaring pag atake sa Egypt at nagpa abot narin ng simpatya at pakikiramay sa mga naulilang mahal sa buhay ng mga biktima.
Nangyari ang insidente nuong Biyernes kung saan isang suicide bomber at ilang gunmen ang nagpaulan at nagpasabog sa mosque sa Northern Sinai, Egypt kung saan marami sa ating Muslim brothers ang dumadalo nuon sa afternoon prayers.
Sa datos ng DFA nasa 5,183 ang mga Pinoy naninirahan at nagta-trabaho sa Northern Sinai Region.