Walang fare increase.
Ito ang mariing utos ngayon ng Department of Transportation o DOTr sa mga pampublikong sasakayan na nagbibiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhance Community Quarantine o ECQ.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, ang nasabing kautusan ay naibaba na sa mga opisyal ng DOTr, kaya babala niya sa lalabag nito na mga driver at operator ng mga pampublikong transportasyon ay maaaring managot o humarap ng kaukulang sanction.
Aniya, ngayong ang bansa ay humaharap pa rin sa mga pagsubok na hatid ng pandemya, hindi na dapat anya na dagdagan pa ang bigat na pinapasan ng mga mamamayan.
Kaya naman pakiusap niya sa mga driver at operator ng public transportation na magkaraoon ng kaunting malasakit sa kapwa upang sama-samang makabangon ang mga Pilipino at ang ating bayan.
Mula pa noong Lunes nasa ilalim ng ECQ ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, at Bulacan na inaasahang matatapos sa April 4, Easter Sunday.