Walang pakundangang pag-import ng gulay, pinapa-imbestigahan sa Senado

Paiimbestigahan ni Senador Imee Marcos ang posibleng sabotahe sa ekonomiya sa kasagsagan ng hindi napapanahon at sobra-sobrang importasyon ng mga gulay mula China.

Sa harap ito ng patuloy na pagkabulok ng mga gulay ng mga lokal na magsasaka sa Benguet at iba pang taniman sa Cordillera.

Ayon kay Marcos, target ng imbestigasyon na hantingin ang mga importer at mga opisyal sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na umano’y sangkot sa agricultural smuggling.


Diin ni Marcos, nabigyan na ang DA ng Kadiwa trucks, tauhan at pambili ng gulay at baboy kaya isang malaking tanong kung bakit ayaw pa rin nitong bumili sa Pilipino at patuloy na pinapaboran ang mga imported.

Ayon kay Marcos, ang pagbibigay proteksyon sa ating mga lokal na mga magsasaka ang solusyon sa pangmatagalang pambansang seguridad sa pagkain at hindi importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, kahit pa legal ito.

Kasama rin sa ugat ng pagpapa-imbestiga ni Marcos ang pagkakumpiska ng BOC ng nasa P4.7 million na mga imported na mga repolyo, mga carrot, broccoli at iba pang gulay sa isang raid sa Divisoria at iba pang parte ng Tondo, Manila.

Giit ni Marcos, ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa ay isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya at may katapat na kaparusahan sa ilalim ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Facebook Comments