Niyanig ng lindol ang ilang lugar sa Ilocos Norte at Ilocos Sur kaninang alas 4:02 ng madaling araw.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS, naitala ang magnitude 4.8 earthquake sa loob ng dalawang kilometro ng Hilagang Silangan ng Caras, Ilocos Norte.
Tectonic ang pinagmulan ng pagyanig at may lalim na 19 na kilometro.
Naramdaman ang intensity 2 sa Bacarra, Ilocos Norte at intensity 1 sa Sinait, Ilocos Sur.
Wala namang naitalang pinsala ang lindol at inaasahan ding hindi na magkakaroon ng mga aftershocks.
Una rito, niyanig din ng magnitude 4 earthquake ang Surigao del Sur sa Mindanao alas 3:52 kaninang madaling araw.
Natunton ang sentro ng pagyanig sa 47 kilometers Hilagang Silangan ng Bayabas, Surigao del Sur.
May lalim na 17 kilometro ang pinagmulan ng pagyanig sa lupa at tulad ng huling pagyanig sa Ilocos Norte hindi rin ito nagdulot ng pinsala sa tao at ari-arian.