Manila, Philippines – Welcome kay Senator Antonio Trillanes IV ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan ang yumaong ama nito at ang 84 na taong gulang na ina ng senador.
Sa katunayan ayon kay Senator Trillanes, sa oras na may makitang anumalya ang Pangulo, magkukusa na aniya siyang tumungo sa kahit saang detention facility, kahit pa sa Davao.
Kaugnay nito, panawagan ng senador sa Pangulo, habang wala pang napapatunayang anumalya ang Pangulo, magpanggap man lang sana niya na galit sa pagkakapasok noon ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu sa bansa at 11 bilyong pisong halaga ng shabu shipments.
Dagdag pa ni Trillanes, kahit magkunwari lang ang Pangulo na ipapahanap ang drug lord na nasa likod ng mga ito, upang aniya, ay hindi mapaghalataan ang Pangulo na nasa likod ng mga shabu shipments.
Matatandaang kahapon, inanunsyo ng Pangulo na paiimbestigahan ang di umano ay transaksyon ng mga magulang ng senador sa Philippine Navy, noong mga panahon nasa military service pa ang senador at ama nito.