Manila, Philippines – Nagkamay at nakangiting binati nina Senator Antonio Trillanes IV at Presidential Spokesman Harry Roque ang isa’t isa sa pagdinig ng Senado ukol sa panukalang parusahan ang mga taga-gobyerno na pagmumulan at magkakalat ng fake news.
Magugunitang nitong mga nakaraang araw ay sinabi ni Senator Trillanes na ibinenta na ni Roque ang kaluluwa nito sa demonyo.
Sagot naman ni Roque, hinding hindi niya ibebenta ang kanyang kaluluwa kay Trillanes.
Sa pagdinig ay kapwa binigyang diin nina Trillanes at Roque na nananatili ang kanilang pagiging magkaibigan na nagsimula sa pagiging magka-alyado sa oposisyon noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa hearing na pinamunuan ni Trillanes ay nagpahayag ng matindng pagtutol si Roque sa panukala sa katwirang hindi ito Patas sa mga nasa gobyerno lalo pa at wala pa rin aniyang kongkretong depinisyon ang fake news.
Sabi pa ni Roque, kapag naisabatas ang panukala ay posibleng magamit lamang ito laban sa mga nasa oposisyon.
Giit naman ni Trillanes, mas mabigat ang responsabilidad ng mga nasa gobyerno kaya dapat sila ang pangunahing lumaban sa fake news sa halip na magpakalat o pagmulan nito.