Walang SAP sa 2022 budget – DSWD

Walang pondong inilaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Special Amelioration Program (SAP) sa 2022.

Ito ang kinumpirma ni Appropriations Vice Chair Jocelyn Limkaichong sa naging pagtatanong ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas kung may ayuda bang nakapaloob sa budget ng DSWD.

Inamin ni Limkaichong na kahit sa original budget proposal ng ahensya ay wala ring alokasyong pondo para sa SAP dahil mangangailangan muna ng special law para ma-incorporate ito sa DSWD.


Pero aniya, may budget ang DSWD para sa kanilang major programs tulad sa social protection program kung saan dito nakapaloob ang tulong para sa iba’t ibang sektor na apektado rin ng pandemya na aabot naman sa P18 billion sa susunod na taon.

Nilinaw naman ng sponsor ng DSWD budget na bukod sa DSWD ay maraming ahensya ng gobyerno ang tumutugon sa kahirapan sa bansa at sa epekto ng pandemya.

Bukas naman ang DSWD sakaling amyendahan ng Kongreso ang alokasyon ng ahensya para magkaroon ng pondo para sa SAP kung sa tingin nila ay kinakailangan.

Facebook Comments