Cauayan City, Isabela- Nagkaroon ng pag-uusap kahapon sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Isabela ang ilang grupo ng mga manggagawa at amo ng mga ito kaugnay sa kanilang reklamo sa benepisyo.
Ayon kay alyas “Jun-jun”, matagal na aniya silang nagtatrabaho bilang construction worker sa mga ginagawang road widening subalit wala pa rin umano silang natatamasang benepisyo.
Paliwanag nito na nais lamang nila na magkaroon ng tamang benepisyo dahil buwis buhay ang kanilang ginagawang trabaho.
Una nang nagreklamo sa nasabing tanggapan ang kanilang grupo dahil sa hindi umano tamang pagbibigay ng kanilang sahod at 13th month pay at hindi pagkaltas sa kanilang mga mandatory benefits.
Kaugnay nito, nagkasundo rin kahapon sa nangyaring pag-uusap ng magkabilang panig kung saan ay pumayag na lamang ang kanilang pinagtatrabahuan na ibigay ang kanilang mga dapat na matanggap.
Ayon pa kay “Jun-jun”, bagamat wala na sila sa construction site ay pumayag na rin silang makipag-ayos upang hindi na umano lumaki ang isyu.