Manila, Philippines – Para kina Senate President Tito Sotto III at Senator Panfilo Ping Lacson, moot and academic o wala nang silbi ang draft resolution na naghahayag ng damdamin ng Senado kontra sa pagpabor ng Supreme Court sa quo warranto petition laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Pahayag ito nina Sotto at Lacson, makaraang ibaba ng kataas taasang hukuman ang pinal na desisyong nagpapatibay sa nauna nitong pasyang katigan ang pagpapawalang bisa sa pagkakatalaga kay CJ Sereno.
Katwiran ni Sotto, wala ng saysay ang nabanggit na draft resolution lalo pa at sinabi ng mga Senador na nagsusulong na ito ay gagamitin para kumbinsihin ang Supreme Court na baligtarin ang naunang pasya laban kay CJ Sereno.
Gayunpaman, sinabi ni Lacson at Senator Koko Pimentel na kahit may pinal ng pasya ang Supreme Court ay pwede pa rin namang pagbotohan ng mga Senador ang nabanggit na draft resolution sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 17th Congress sa July 23.
Binigyang diin pa ni Pimentel na walang ibang layunin ang draft resolusyon kundi ipahayag lang ang damdamin ng Senado ukol sa pagtanggal kay CJ Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition sa halip na sa pamamagitan ng impeachment proceedings.