Manila, Philippines – Tiyak umanong sa kulungan ang bagsak ni Pangulong Duterte sakaling totohanin nito ang pagbaba sa pwesto.
Ayon kay ACT Teachers Representative Antonio Tinio, sa oras na gawin ito ng Pangulo ay mawawala ang presidential immunity nito.
Giit ni Tinio, hindi matatakasan ni Pangulong Duterte ang mga pananagutan sa mga nasawi sa ilalim ng kampanya kontra iligal na droga.
Pero sa kabila ng mga pahayag ng Pangulo na pagod na ito at nag-iisip na bumaba sa pwesto, hindi naman kumbinsido ang kongresista na gagawin ito ng presidente.
Sa katunayan aniya ay kumikilos pa nga ang Pangulo at ang anak nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagpapalawak ng hugpong sa pakikipag-alyansa sa mga partido para manatili sa poder ang mga Duterte.