Manila, Philippines – Walang kawala ang isang nagpakilalang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) makaraang mabuko na ito ay nangongolorum.
Sa isinagawang operasyon ng Inter-agency Council for Traffic (I-ACT) sa EDSA-Quezon Avenue huli ang sinasabing general foreman ng MMDA na si Mario Mendoza na ginagawang pampasaherong sasakyan ang kanyang van.
Ayon sa mga pasahero ni Mendoza nagbayad sila dito ng P60 para sa byaheng Malolos Bulacan – MRT-Quezon Avenue station.
Depensa naman nito napilitan umano syang gawin ang pag-pick up ng mga pasahero dahil umiiral ang expanded High Occupancy Vehicle (HOV) traffic scheme kung pinagbabawalan ang driver-only vehicles na dumaan sa EDSA twing rush hour.
Samantala, nakumpiska naman ng mga tauhan ng I-ACT sa van ni Mendoza ang handheld radio na ginagamit umano bilang monitoring device.
In-impound na rin ang ginagamit nitong van.
Sinabi naman ni Department of Transportation Undersecretary and I-ACT overall head Tim Orbos hindi dapat maging excuse o alibi ng mga pribadong motorista ang HOV policy para mangolorum o gumawa ng illegal.