Kinastigo ng matindi ni Senator Cynthia Villar sa sa pagdinig ng Senado ang Bureau of Plant Industry (BPI) at Department of Agriculture (DA) dahil sa walang tigil na pag-iisyu ng permit sa mga rice cooperatives.
Ipinagtataka ni Villar kung bakit 1/3 na ng kabuuang rice import sa bansa ay mula sa mga rice cooperatives na karamihan ay nasa nangungunang rice producing provinces gayong dapat ay nakatutok ang mga ito sa pagpapaunlad ng kanilang tanim sa halip na umangkat na lang.
Sinabi ito ni Villar sa pagdinig ng pinamumunuang Committee on Agriculture ukol sa paggamit ng ilang rice traders sa mga rice cooperatives para gawing dummy para sa importation.
Daing naman ni Senator Imee Marcos, hindi dapat pinapayagan ng BPI ang rice importation sa panahon ng pag-aani ng mga magsasaka.
Tiniyak naman ni Agriculture Secretary for Policy and Planning Rodolfo Vicerra na magpapalabas sila ng administrative order kaugnay sa pag-angkat ng bigas.