Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na walang mangyayaring voters’ registration sa October 31 bilang paggunita sa All Saint’s at All Soul’s Days.
Batay sa public advisory ng poll body, sinuspinde muna ang voters registration sa nasabing petsa at sarado ang lahat ng Offices of the Election Officer (OEOs) sa buong bansa.
Muling magpapatuloy ang voters’ registration sa November 3, 2020, Martes.
Samantala, nag-abiso rin ang COMELEC na simula sa November 9, ang voters’ registration ay magiging Lunes hanggang Biyernes na mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ibinalik nila sa weekday schedule ang pagpaparehistro ng botohan para bigyang daan disinfection sa lahat ng tanggapan ng poll body tuwing araw ng Sabado.
Sa kasalukuyan, ang voters’ registration ay isinasagawa tuwing Martes hanggang Sabado.
Sinabi rin ni Jimenez na suspendido ang voters’ registration sa ilang lugar na nasa ilalim ng localized Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Nagpaalala ang COMELEC sa publiko na mahigpit na ipinatutupad ang anti-COVID precautions sa pagsasagawa ng voters’ registration.