Walk-in COVID-19 testing center, planong itayo ng lokal na pamahalaan ng Maynila

Matapos magtayo ng dalawang ‘drive-thru’ COVID-19 testing center, plano ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na magtayo rin ng walk-in COVID-19 testing center sa mga susunod na araw.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, ang nasabing walk-in testing center ay kanilang itatayo sa Ospital ng Sampaloc na maaaring buksan sa Lunes o Martes.

Ngunit sinabi ni Yorme na ang naturang testing center ay sa bisinidad ng naturang ospital upang maiwasan na magkahawaan ng COVID-19 sa ibang pasyente.


Nabatid na napag-desisyunan ni Mayor Isko na maglagay ng walk-in testing center para hindi na sumabay pa ang ibang nais magpasuri sa mga ‘drive-thru’ upang mabawasan na rin ang pagsikip ng daloy ng trapiko at mabigyan ng pagkakataon ang lahat na maisailalim sa rapid test.

Dagdag pa ng alkalde na mas lalo pang palalakasin ng lokal na pamahalaan ang pagsusuri sa mga residente at hindi residente ng Maynila lalo na kapag dumating ang ika-apat na COVID-19 Serology Machines.

Pinag-aaralan naman sa ngayon kung ang libreng walk-in testing center ay para sa mga residente lamang ng Maynila o bibigyan din nila ng pagkakataon ang ilang indibidwal na nasa labas ng lungsod na sumailalim sa nasabing pagsusuri.

Facebook Comments