Umapela ang ilang mga kongresista sa Kamara na payagan ang walk-in sa lahat ng mga vaccination sites sa buong bansa kasunod ng rollout ng ikalawang COVID-19 booster shot.
Napuna ng Kamara na marami pa ring mga siyudad at lalawigan sa bansa ang hinahanapan pa rin ng schedule ang mga magpapabakuna at kailangan ang makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Ngayong ikinakasa na ang pag-administer ng ikalawang COVID-19 booster shot kung saan inuuna ang mga immunocompromised ay malaking kaluwagan sana at bawas abala kung papayagan na ang mga walk-in.
Punto pa rito ay marami sa mga immunocompromised na matatanda ay hindi maalam pagdating sa paggamit ng makabagong teknolohiya kaya malaking tulong kung mapapayagan ang walk-in.
Giit ng mga kongresista, posible namang magawa ang pagbabakuna sa mga walk-in batay sa available na booster shots sa mga vaccination site at ang pagpapakita ng vaccination cards ay sapat nang identification para mabakunahan.