Muling iginiit ni Manila Mayor Isko Moreno na kaya sila nagdesisyon na hindi muna tatanggap ng mga “walk-in” sa ikinakasang COVID-19 vaccination program ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao.
Sinabi pa ni Mayor Isko na paraan din ito para maiwasan ang kaguluhan at kalituhan ng publiko sa mga vaccination site.
Nabatid kasi na nitong nakalipas na araw, ilang sunod-sunod na reklamo ang natatanggap ng lokal na pamahalaan hinggil sa pagpapatupad ng dapat na iprayoridad na mabakunahan.
Marami sa mga residente ang nagsasabing may mga pinasisingit at binibigyan ng pabor lalo na kung malapit sa mga ospiyal ng barangay na nakakasakop sa itinalagang vaccinatinon sites.
Igniit pa ng ilang mga nais magpabakuna, madaling araw pa lamang ay nakapila na sila pero nagugulat na lamang sila na pinapapasok at inuuna ang mga bagong dating na kasama ng ilang opisyal ng barangay.
Nabatid na ngayong araw ay hindi muna pinayagan ang mga walk-in kung saan maglalabas na lamang ng anunsiyo ang lokal na pamahalaan kung kailan nila ito ulit ikakasa.
Bagama’t naglaan ng dagdag na bakuna sa mga vaccination site, ang mga nakatanggap ng text message mula sa Manila Covax ang bibigyang prayoridad sa pagbabakuna.