Walo sa 10 PDLs na nakatakas sa provincial rehabilitation center ng Batangas, nahuli na

Naaresto na ng mga awtoridad ang walo sa 10 Persons Deprived of Liberty na tumakas sa provincial rehabilitation center ng Batangas PNP.

Ayon sa Batangas Police Provincial Office, dakong alas-10:00 ng umaga kahapon nang isang PDL ang nanutok ng ice pick sa isang pulis habang ini-eskortan ito papuntang public utility room, saka inagaw ang baril nito.

Sinamantala naman ng iba pang preso ang pagkakataon para tumakas papuntang Brgy. Quilo, Ibaan.

Tanghali nang makatanggap ang mga kapulisan na lima sa mga preso ang sumakay sa isang bus patungong norte.

Agad naman silang nasakote malapit sa Tanauan-Sto. Tomas Boundary.

Samantala, tatlo naman sa mga ito ang natukoy ang kinaroroonan nang makita sa isang drone.

Narekober sa mga ito ang isang 9mm pistol at 16 bala, dalawang magazine, isang balisong, ilang susi at halos 60,000 pesos na cash sa ibang denominasyon.

Patuloy naman ang manhunt operation laban sa dalawa pang PDL na nakatakas.

Samantala, nilinaw naman ng mga awtoridad na walang nangyaring hostage taking dahil mapayapa at kusang-loob na sumuko ang mga suspek.

Facebook Comments