Tuloy-tuloy pa rin ang isinasagawang contact tracing ng Quezon City Local Government Unit (LGU) sa mga nakasalamuha ng lalaking Overseas Filipino Worker (OFW) na nagpositibo sa COVID-19 UK variant.
Ayon kay QC – Epidemiology and Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz, 105 katao na ang sumalang sa swab test kung saan walo sa mga ito ang nagpapakita ng sintomas ng COVID-19 kaya sila pinag-home quarantine na.
Sa ngayon, nasa 350 close contacts ng COVID-19 UK patient patient ang natunton na ng Quezon City LGU kabilang na ang grab driver na naghatid sa pasyente mula Maynila gayundin ang mga naging pasahero pa nito.
Sinabi naman Mayor Joy Belmonte, na naka-isolate na ang Riverside St., Barangay Commonwealth kung saan nag-quarantine ang OFW.
Tiniyak din ng alkalde ang supply ng pagkain ang mga residente sa lugar at assiatance sa mga apektadong manggagawa sa lungsod.
Nabatid na dumating sa bansa ang lalaki na isang Overseas Filipino Worker (OFW) noong August 2020 mula sa South Korea at nanatili sa Cebu.
Ika-17 ng Nobyembre nang lumipat ito ng Sucat, Parañaque at ilang beses nagtungo sa kaniyang manning agency sa Malate, Maynila.
Habang naghihintay ng kanyang deployment, sumakay ang lalaki ng taxi at nanatili sa isang hotel sa Maynila noong ika-17 ng Enero at sumalang sa swab test sa Pasay City sa parehong araw at kinabukasan ay nasabihang positibo sa COVID-19.
Ika-21 ng Enero ay dinala na ito sa isang apartment sa Riverside sa pamamagitan ng isang taxi na kinontak ng kanyang manning agency.