
Nasawi ang isang buntis matapos siyang matabunan ng gumuhong lupa sa Sitio Lower Lip-atan, Mankayan, Benguet sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.
Ayon kay Police Corporal Don Max Takayen ng Mankayan Municipal Police Station, kinilala ang biktima na 18 gulang at walong buwan na buntis mula sa Topdak, Atok, Benguet.
Batay sa ulat, naganap ang insidente bandang alas-4:50 ng hapon, Setyembre 3, 2025, habang natutulog ang biktima sa loob ng kanilang tirahan.
Gumuho ang riprap wall sa likod ng kanilang bahay na naging sanhi ng pagkakabaon ng biktima sa lupa.
Matagumpay na na-retrieve ang katawan ng biktima sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga personnel mula sa Mankayan Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Guinaoang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee, at iba pang mga volunteers.
Agad dinala ang biktima sa Lutheran Hospital sa Abatan, Buguias, ngunit idineklara itong dead-on-arrival ng sumuring doktor.









