
Walong indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon kontra iligal na pagsusugal sa iba’t ibang bayan at lungsod ng Pangasinan noong Pebrero 12, 2026.
Sa Binmaley, apat na lalaki ang dinakip ng Binmaley Municipal Police Station matapos rumesponde sa ulat ng talamak na ilegal na mahjong. Nakumpiska ang isang set ng mahjong at bet money na nagkakahalaga ng ₱4,251.00. Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek at mga ebidensya para sa kaukulang disposisyon.
Sa Pozorrubio, tatlong katao ang naaresto ng Pozorrubio Municipal Police Station kaugnay ng iligal na tong-its. Nasamsam ang isang set ng playing cards at perang nagkakahalaga ng ₱3,060.00. Isinailalim sa dokumentasyon at tamang proseso ang mga nahuli at ang mga nakumpiskang ebidensya.
Samantala, isang lalaki naman ang dinakip ng Urdaneta City Police Station sa operasyon laban sa drop ball game sa Urdaneta City. Narekober ang mga kagamitan sa naturang sugal at perang nagkakahalaga ng ₱1,055.00.
Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602, na inamyendahan ng Republic Act 9287, kaugnay ng iligal na pagsusugal.










