Friday, January 23, 2026

WALONG INDIBIDWAL, NAHULI SA ILEGAL NA SUGAL SA SAN FERNANDO AT ARINGAY, LA UNION

Walong katao ang nasakote ng mga awtoridad sa magkahiwalay na anti-illegal gambling operations matapos mahulihan habang naglalaro ng “Mahjong” noong hapon ng January 22, 2026 sa San Fernando City at bayan ng Aringay, La Union.

Bandang alas-5:55 ng hapon, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng San Fernando City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na indibidwal dahil sa paglabag sa City Ordinance No. 03-1970 o ang ordinansa laban sa ilegal na sugal.

Nahuli sa aktong nagsusugal ang isang 70 anyos na lalaki; isang 43 anyos na lalaki; isang 62 anyos na lalaki; at isang 51 anyos na babae—pawang mga residente ng nasabing lungsod.

Nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang isang set ng mahjong tiles at bet money na nagkakahalaga ng ₱560.00. Ang mga lumabag ay binigyan ng citation tickets at dinala sa San Fernando CPS para sa wastong disposisyon.

Samantala, bandang alas-4:30 ng hapon ng parehong araw, apat na iba pang indibidwal ang nahuli ng Aringay Municipal Police Station (MPS) sa isang hiwalay na operasyon sa bayan ng Aringay, La Union dahil sa paglabag sa Municipal Ordinance No. 182-2015 na may kaugnayan sa ilegal na sugal.

Kinilala ang mga nahuli bilang isang 47 anyos na lalaking caretaker; isang 37 anyos na lalaki; isang 45 anyos na babaeng may-ari ng tindahan; at isang 29-anyos na lalaking tsuper ng traysikel—lahat ay may asawa at residente ng Aringay, La Union.

Nasamsam mula sa kanila ang isang set ng mahjong tiles at bet money na nagkakahalaga ng ₱1,541.00.

Ang mga nasabing lumabag ay binigyan din ng citation tickets at dinala sa Aringay MPS para sa kaukulang aksyon.

Patuloy ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na iwasan ang anumang uri ng ilegal na sugal at sumunod sa mga lokal na ordinansa upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad.

Facebook Comments