Walong OFW na biktima ng human-trafficking sa Cambodia, makauuwi na sa bansa

Walong Overseas Filipino Workers (OFW) na biktima ng human-trafficking sa Cambodia ang inaasahang makauuwi na sa bansa ngayong linggo.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa problema sa human-trafficking, sinabi ni Cambodia Minister and Consul General Emma Sarne na nakikipag-ugnayan na sila sa general department ng intelligence para mailipat ang mga Pilipinong biktima sa embassy.

Paliwanag ni Sarne, nagbago bigla ang procedure na kung noon ay naite-turnover agad sa embahada ang mga na-rescue na biktima ng human-trafficking dahilan kaya nakauuwi agad ng Pilipinas ngayon ay itine-turnover na ang mga biktima sa General Department of Immigration sa Cambodia.


Nagbago aniya ang proseso bunsod na rin ng pinaigting na crackdown na ginagawa ng gobyerno roon laban sa mga iligal na online gambling facilities at illegal workers sa nasabing bansa.

Magkagayunman, oras na mailipat na ang mga na-rescue na kababayan sa embahada ng bansa ay makatatanggap agad ang mga ito ng tulong at mabilis na ire-repatriate sa Pilipinas.

Ayon kay Sarne, sakaling mai-release ngayong araw ay posibleng sa Biyernes o Sabado ng umaga ay naririto na sa Pilipinas ang mga nailigtas na kababayan.

Facebook Comments