Nagtungo sa bansang France ang walong senador para talakayin ang bilateral relations ng Pilipinas at France.
Ayon sa opisina ni Senator Loren Legarda, ang mga senador na kasama sa limang araw na ‘official visit’ na mula October 23 hanggang 27 ay sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senators JV Ejercito, Lito Lapid, Nancy Binay, Grace Poe at Christopher “Bong” Go.
Sinabi ni Legarda na makikipagpulong sila sa mga kapwa mambabatas sa France upang talakayin ang pagpapalakas ng relasyon at kooperasyon ng dalawang bansa.
Kabilang naman sa mga pag-uusapan ng France at Pilipinas ang kalikasan, climate change at blue economy o economic activities na may kaugnayan sa karagatan, dagat at baybaying dagat.
Sa loob aniya ng 75 taon ay nananatiling magkaibigan ang Pilipinas at France na may matatag na ugnayan sa iba’t ibang larangan tulad ng ekonomiya, depensa, food security at “people to people relations”.
Bukod sa France ay nakatakda ring makipagpulong ang mga senador sa France-Southeast Asia Parliamentary Friendship Group.