WALONG WANTED PERSON SA PANGASINAN, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON

Naaresto ng iba’t ibang police stations sa Pangasinan ang walong wanted person sa magkakahiwalay na operasyon kahapon, December 3, 2025.

Sa Rosales, unang nadakip ang isang 29-anyos na construction worker dakong 8:25 AM sa bisa ng warrant of arrest para sa Slight Physical Injuries na may piyansang Php1,000.

Sinundan ito ng pag-aresto sa isang 28-anyos na mekaniko bandang 3:50 PM dahil sa Attempted Murder, na may piyansang Php120,000.

Sa Natividad, inaresto naman dakong 10:20 AM ang isang 55-anyos na guro dahil sa Grave Oral Defamation, na may Php12,000 na pyansa.

Sa Binalonan, dalawang magkahiwalay na pag-aresto ang naisagawa.

Bandang 2:00 PM, nadakip ang isang 69-anyos na lalaki dahil sa Falsification of Public Document na may Php36,000 na pyansa.

Makalipas ang isang oras, 3:00 PM, naaresto rin ang isang 37-anyos na babae dahil sa kaparehong kaso at kaparehong halaga ng piyansa.

Sa San Quintin, naaresto ang isang 32-anyos na lalaki dakong 5:15 PM sa bisa ng electronic warrant of arrest para sa Resistance and Disobedience to a Person in Authority na may piyansang Php5,000.

Sa Manaoag, nahuli naman bandang 5:40 PM ang dalawang 28-anyos na lalaki dahil sa paglabag sa Section 5 ng RA 9165 para sa pagbebenta ng iligal na droga.

Sa Dagupan City, huling naaresto bandang 9:00 PM ang isang 34-anyos na overseas worker dahil sa kasong Robbery, na Php100,000 na piyansa, at Estafa in relation to RA 10175 na may Php30,000 na pyansa.

Lahat ng naarestong indibidwal ay nasa kustodiya ngayon ng kani-kanilang police stations para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments