Wanted na dating CAFGU Member, Patay sa Engkwentro!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang dating miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) matapos itong manlaban sa mga otoridad nang siya’y silbihan ng kanyang warrant of arrest pasado alas 4:00 ng hapon kahapon sa Sitio Gapa, Brgy San Antonio, Cabagan, Isabela.

Kinilala ang nasawi at itinuturing na Top 10 most wanted sa Isabela at kabilang sa Mamauag Criminal group na si Antonio Garro, nasa hustong gulang, may-asawa, magsasaka at residente ng Brgy. San Antonio, Cabagan, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, matagal nang minamanmanan ang akusado na itinuturong suspek sa pagpatay kay Brgy Kagawad Benneth Balisi ng San Antonio, Cabagan noong July 2019 at suspek rin sa pagpatay kina Brgy Captain Manuel Ramento at kagawad nito na si May Glenn Padre ng Sto Tomas, Isabela nito lamang Agosto 2019.


Una rito, kinumpirma ng civilian assets ng pulisya na may dala-dalang M16 rifle si Garro na siya rin umanong nakikita ng mga residente lalo na kapag gabi.

Dito na nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad at nang magtungo ang operatiba sa lugar ay namataan si Garro na hawak ang kanyang M16 rifle.

Habang palapit ang mga otoridad sa kinaroroonan ni Garro ay agad itong tumakbo at pinaputukan ng kanyang baril ang mga rumespondeng pulis.

Nagresulta ito sa kanilang palitan ng putok ng baril na nagresulta rin sa pagkamatay ni Garro.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang Cal M16 rifle, mga bala ng M16, mga magazine ng M16, isang bandolier, belt bags, iba’t-ibang bala ng baril, backpack, isang holster, cellphone, isang pack ng battery at isang tactical flashlight na dinala na sa PNP Crime lab para sa pagsusuri.

Facebook Comments