Cauayan City, Isabela- Arestado ang anim na matataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa ilalim ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KR-CV) ng pinagsanib-pwersa ng 5th Infantry Division (5ID), 7th Infantry Division (7ID), Joint Task Force NCR, AIR PA, PNP-CIDG Bulacan at Quezon City sa magkahiwalay na lugar sa dalawang nasabing Lalawigan.
Dinakip sa bisa ng mga warrants of arrest para sa kasong Arson at Murder si Gil Peralta o alyas Elmo, ang Secretary ng KR-CV at miyembro ng Central Committee of the Communist Terrorist Group sa San Pedro Bautista St., Brgy Mariblo, Quezon City nitong umaga.
Bukod sa nahuling kalihim ng KR-CV, nahuli rin ng mga otoridad sina Irene Agcaoili alyas Ayang, head of Finance ng KR-CV; Lourdes Bulan alyas Simang, Executive Committee member of KR-CV; Roy Dela Cruz alyas Bonel, Intel Officer*; *Arcaido Tangonan alyas Mariano G Ramos, dating Squad Leader ng nabuwag na Central Front Committee at isang Natividad Santos.
Si Peralta ay napag-alamang responsable sa lahat ng mga teroristang gawain kabilang na ang mga ginagawang pangingikil sa mga mamamayan ng Lambak ng Cagayan.
Dagdag dito, nakumpiska rin ng mga otoridad mula kay Peralta ang M16 rifle, Cal. 45 na baril, tatlong (3) anti-personnel mines, at isang granada habang nakuha naman sa mga EXECOM members ang dalawang (2) Cal 45 pistols, dalawang (2) anti-personnel mines at dalawa (2) rin hand grenade.
Natunton ang mga naarestong opisyal ng KR-CV sa pamamagitan ng maigting na operasyon ng mga alagad ng batas at kasundaluhan laban sa mga Communist Terrorist Group (CTG).