Naniniwala ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nasa bansa pa rin si dating Police Colonel Eduardo Acierto, na ipinaaresto ng korte dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, nagpalabas na sila ng mga tracker teams upang hanapin si Acierto.
Aniya may mga palatandaan na nandito pa sa Pilipinas ang kontrobersyal na dating opisyal ng PNP.
Pero makikipag-ugnayan sila sa iba pang ahensya ng gobyerno lalo na sa Bureau of Immigration (BI) hinggil dito.
Kinumpirma ng pamunuan ng PNP-CIDG na may hawak na silang warrant of arrest laban kay Acierto.
Si Acierto at pitong iba pa ay wanted dahil sa umano’y importasyon ng shabu na nakalagay sa mga magnetic lifters.
Siya ang naglabas ng video na nag-aakusa sa economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang na sangkot umano sa operasyon ng iligal na droga kasama ang ilang taga Davao na una nang pinabulaanan ng Malakanyang.