Mas makabubuting tapusin na lamang ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Pastor Apollo Quiboloy ang kaniyang pagtatago at sumurender na sa mga awtoridad.
Ito ang panawagan ngayon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr., kay Quiboloy kasunod ng pag-anunsyo sa 10-milyong pisong pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa pinagtataguan ng kontrobersyal na pastor.
Sabi ni Abalos, ito ang nararapat na gawin ni Quiboloy alang-alang sa kaniyang sarili at kung may awa pa siyang natitira sa kanyang mga followers.
Pinuna rin ng kalihim ang paulit-ulit na pagkontra ng kampo ni Quiboloy sa International Criminal Court (ICC) bilang pagpabor sa mga Korte ng Pilipinas ngayong ‘di nila kinikilala ang mismong mga warrant of arrests mula sa Davao at Pasig City Regional Trial Courts.
Kapansin-pansin diumano na ang tanging pinaniniwalaan na lamang ng kampo ni Quiboloy ay ang kung ano ang papabor o “convenient” sa kanila gayong mga pilipinong husgado na ang nag-isyu ng mga arrest warrant.
Ang wanted na si Quiboloy na may sampung milyong pisong patong sa ulo ay nahahahrap sa patung-patong na mga kasong sexual abuse of minors at qualified trafficking.