Wanted sa Kasong Pagpatay na Nagtago ng Higit 3 Dekada, Arestado

Cauayan City, Isabela- Nahulog rin sa kamay ng mga alagad ng batas ang Top 4 Most Wanted Person sa Regional level matapos ang tatlong dekada at tatlong taon na pagtatago nito dahil sa kinakaharap na kaso.

Nagsanib pwersa ang mga elemento ng PNP Cabatuan at PIU-PDEU-IPPO para isilbi ang warrant of arrest sa Balagtas, Bulacan na nagresulta sa pagkakahuli ng akusado na si Rogelio Garduque, 59 taong gulang, negosyante, dating kasapi ng Integrated National Police (PC/INP) at residente ng brgy. Centro 7, Claveria, Cagayan.

Si Garduque ay dinakip sa bisa ng mandamyento de aresto dahil sa kasong Double Murder na kung saan may halagang Php200,000.00 sa bawat kaso ang inirekomendang piyansa ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.


Ayon kay PCapt. Frances Littaua, tagapagsalita ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), noon pang August 16, 1988 nang makapatay ng dalawang tao sa Claveria, Cagayan si Garduque at ngayon lamang nahuli.

Nakarating na ngayong araw, Enero 28, 2021 sa Cabatuan Police Station ang akusado mula sa Bulacan Police Station para sa gagawing dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.

Facebook Comments