Pinaigting pa ng Police Regional Office 5 o Bicol region ang kanilang anti-illegal drugs operation sa kanilang area of responsibility.
Ito ay matapos ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hotbed ng shabu ang Naga City.
Ayon kay PRO-5 RD Police Chief Superintendent Arnel Escobal, makikipag-ugnayan na sila sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 5 upang tuluyang matapos ang problema ng droga sa kanilang rehiyon.
Paliwanag ni Escobal na dati ng naiulat sa pamamagitan ng isang press conference ng Dangerous Drugs Board (DDB), DILG at PDEA na bago pa man ang barangay election, number one ang Bicol region na may mga barangay officials na umano ay sangkot sa iligal na droga.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang validation hinggil sa mga impormasyong kanilang nakukuha.
Nauna ng pinasinungalingan ni Naga Mayor John Bongat ang sinabi ni Pangulong Duterte.
Nakatakda namang kausapin ng alkalde ang PNP at PDEA-5 hinggil sa isyu.