Manila, Philippines – Mas dumami pa ang bilang ng mga drug personalities na napatay dahil sa war on drugs ng gobyerno.
Sa presentasyon ng Presidential Communication Operation Office (PCOO) at Philippine National Police ng Real Numbers sa Camp Crame, makikitang mula July 1, 2016 hanggang May 15, 2018 ay umabot na sa 99, 485 ang ikinasang operasyon laban sa mga drug suspects.
Nagresulta ito sa pagkakasawi ng 4, 279 na indibidwal habang 143, 335 naman ang naaresto.
Hindi rin nakalusot ang mga government officials na sangkot sa iligal na droga kung saan 506 sa kanila ang mga naaresto.
Batay rin sa datos, sa dalawang taon ng kampanya kontra droga nasa 2,678 na ang kabuuang kilo ng shabu na nasabat ng pamahalaan na nagkakahalaga ng P20.77 Billion kasama na ang mga laboratory equipment.
Ang “Real Numbers” forum ay ang komprehensibong pag-uulat ng pamahalaan ng mga tunay na statistika sa war on drugs.
Dito ay pinag-sama sama ang lahat ng datos ng mga ahensya ng gubyerno na kaagapay ng PNP sa kampanya kontra droga tulad ng PDEA, Bureau of Customs at NBI.
Matatandaang inilunsad ang Real Numbers forum noong isang taon sa gitna ng mga kumalat sa media na iba’t ibang bilang ng mga namatay sa war on drugs.
Layon ng forum na gawing mas transparent ang war on drugs ng pamahalaan at isulong Ang best practices sa pagpapatupad nito.