Manila, Philippines – Kasunod ng muling pag-arangkada ng “Oplan Tokhang” ngayong araw, umapela ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Philippine National Police na iwasan ang muling pagdanak ng dugo.
Sa inilabas na pahayag ni CBCP President Archbishop Romulo Valles, umapela siya sa PNP na palaging sumunod sa itinakda ng batas tuwing magsasagawa ng operasyon upang walang masayang na buhay.
Sa muling pagpapatupad ng Oplan Tokhang, maraming pagbabago na ipatutupad ang pamunuan ng PNP kung ikukumpara sa kanilang naunang Oplan Tokhang na ipinatupad noon.
Kabilang sa nakalatag sa supplemental guidelines ay ang pag-update sa drug watch list ng PNP na magsisilbing listahan ng mga taong maaring isalang sa tokhang ng mga pulis.
Tanging ang mga beripikadong pangalan lamang na nagmula sa PNP Directorate for Intelligence ang maaring madagdag sa listahan.
Bukod dito, hindi na rin maaring magsagawa ng Oplan Tokhang ang kahit sinong pulis.
Sa bawat presinto, ay magtatalaga lamang ng ilang pulis na pahihintulutang magsagawa ng tokhang operations.
Hindi na maaring magsagawa ng tokhang sa gabi, at tanging sa umaga at weekdays na lamang ito isasagawa ng mga alagad ng batas.
Kung sakaling magkaroon ng problema o sumablay ang mga pulis sa pagsasagawa ng tokhang, posibleng matanggal ang mga precinct, station, provincial at maging ang regional commanders ng mga ito sa ilalim ng konsepto ng command responsibility.