Manila, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education (DepEd) sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa planong inspections ang mga locker ng ilang mag-aaral para sa mas pinalawig na anti-drug campaign.
Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, nagdadalawang-isip kasi si Secretary Leonor Briones sa plano ng PNP na mag-inspeksyon ng mga gamit ng mga estudyante.
Aniya, gusto lang nilang masiguro na mapapangalagaan ang karapatan ng mga mag-aaral sa panukala ng pambansang pulisya.
Nauna dito ay ipinanukala ni National Capital Regional Police Officer Director Guillermo Eleazar ang pagkakaroon ng random bag at locker inspection sa mga paaralan dahil sa hinala na nagagamit ang mga estudyante sa pagpapakalat ng iligal na droga.
Sa mga nakalipas na police operations aniya ay ilang mga menor de edad na mga mag-aaral ang kanilang naaresto na ginagawang tulak ng droga ng ilang mga sindikato.
Sa kanilang panig, sinabi ng DepEd na gusto nila ang maayos na koordinasyon ng mga pulis sa mga paaralan bago ang anumang uri ng police operations.
Tiniyak rin ng opisyal na kaisa sila sa kampanya kontra sa iligal na droga pero kinakailangan umano ang maayos na pagtrato sa mga mahuhuling suspected drug users o pushers lalo na kung ang mga ito ay pawang mga menor de edad.