Manila, Philippines – Tututukan ng Department of Interior and Local Government (DILG) at National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang tiniyak ni DILG OIC Usec. Eduardo Año sa kanyang mensahe sa ika-27 anibersaryo ng PNP kung saan siya ang panauhing pandangal.
Sinabi ni Año na siya ring chairperson ng NAPOLCOM na inaasahan niyang mahipit na susunod ang mga magsasagawa ng Oplan Tokhang sa inilabas nilang supplemental guidelines ng PNP.
Aniya, ang mga supplemental guidelines ang magiging susi ng tagumpay ng drug war ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nakasaad sa bagong guidelines ang pagpapatupad ng Oplan Tokhang sa loob lamang ng office hours na 8am to 5pm ng Monday to Friday, kung saan ang mga pulis ay kailangang naka-uniporme at may kasamang opisyal at miyembro ng barangay.
Sa bagong guidelines mas iiral ang Command responsibility, dahil mayroon ng one strike policy, at sibak agad sa pwesto Ang commander na may isang tauhang makakasuhan dahil sa droga.
Para naman matiyak ang transparency sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, pinapasama ng PNP ang mga human rights representatives, church groups, at miyembro ng media.