Trece Martirez, Cavite – Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) ang P34 milyon na halaga ng shabu sa ikinasa nilang anti-illegal drug operations sa Trece Martires, Cavite.
Ayon sa PDEA, posibleng ipinuslit ito ng Mexican Drug Cartel na Sina Loa mula sa California kung saan aabot sa 6.89 kilograms ang nasabat nilang shabu.
Timbog naman ang dalawang suspek na sina Mauricia De Padua at Suriong Taib III na siyang nagtatago ng nasabing iligal na droga.
Sa imbestigasyon, ipinadala ni Christiano Lozano at Robert Gutierrez ang package mula California para kunin nina Leonel Romero at Raymund Miranda sa bayan ng Trece Martirez kung saan hawak ito nina De Padua at Taib.
Nalaman ng PDEA ang impormasyon sa pakikipag-ugnayan ng International Cooperation and Foreign Affairs Service sa tulong na rin ng Homeland Security Investigations ng United States Embassy.