Asahan na umano ang complete overhaul ng war on drugs ng gobyerno sakaling palaring manalo ang Lacson-Sotto tandem sa eleksyon 2022.
Sa pulong balitaan sa Sandugo Hall sa Tagbilaran City, Bohol, sinabi ni presidential candidate Panfilo Lacson na ipatutupad nila ng mas maayos at dadagdagan pa ang mga magagandang bahagi ng umiiral na Anti-Drug Law sa bansa.
Aniya, ang war on drugs na balak nilang ipatupad ay isang holistic at nakaangkop sa karapatang pantao.
Sa kaniyang panig, sinabi ni Senate President at vice presidential candidate Tito Sotto na nagpasa siya ng amendment sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 1995.
Pero, ang nangyari aniya ay hindi naipatupad ang mga inilagay niyang pagbabago sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ani Sotto, masiyadong tumutok ang Duterte administration sa supply reduction ng ipinagbabawal na gamot pero, nakulangan naman sa demand reduction.
Ito aniya ang nakikita niyang dahilan kung bakit sunod-sunod pa rin ang huli sa mga tulak ng droga at ang kaso ng smuggling o pagpupuslit ng illegal drugs sa bansa.
Naging mainit kanina ang pagtanggap ng mga opisyales at mga botante ng Bohol, nagtipon-tipon at tinaggap ang team sa kapitolyo.
Isang konsultasyon din ang naganap na dinaluhan ng mga lider ng magsasaka, mangingisda, mga driver at urban poor sector.