
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Philippine National Police (PNP) na huwag lamang tutukan ang malalaking sindikato, kundi pati ang mga maliliit na pusher sa kanto.
Kasunod ito ng pagkakasabat ng mga awtoridad ng nasa ₱9.48 billion na ilegal na droga na pinakamalaking drug haul sa kasaysayan sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalagang mawala ang presensya ng bentahan ng droga sa mga pamayanan upang mas maging panatag ang loob ng taumbayan.
Kapag may nagbebenta aniya ng droga sa tabi ng eskwelahan o bahay, hindi ligtas ang bawat isa kaya dapat habulin kahit ang maliliit na tulak.
Binanggit din ni Pangulong Marcos na kabilang sa bagong istratehiya ang pagpapataas ng police visibility at mabilisang operasyon sa mga lugar na may ulat ng bentahan ng ipinagbabawal na droga.









