Manila, Philippines – Nagpapatuloy ang isinasagawang orientation ng Philippine National Police (PNP) sa mga pulis na mangunguna sa oplan tokhang o tinatawag na ‘tokhangers’ bahagi pa rin ng war on drugs ng pambansang pulisya.
Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, tapos na ang guidelines para sa muling pagpapatupad ng oplan tokhang ngunit kailangan pa aniyang isailalim sa orientation ang mga pulis na kakatok sa bahay ng mga nasa drug list.
Layon aniya ng orientation ay upang hindi masingitan ang mga legitimate “tokhangers” ng mga sindikato na kumakatok sa bahay ng umano’y drug suspek at nanghihingi ng pera para maalis ang kanilang pangalan sa drug list.
Ipinaliwanag pa ni Dela Rosa na dumaan sa matinding screening ang pagpili sa mga tokhangers at ito aniya ang mga pulis na walang rekord o hindi nasangkot sa anumang iligal na aktibidad.
Kaugnay nito sinabi pa ng PNP Chief na hindi na aabot pa ng buwang Pebrero ay opisyal ng masisimulan ang oplan tokhang sa bansa.
Ito ang ikatlong pagkakataong muling magsasagawa ng pangangatok sa bahay ng mga drug suspect ang mga pulis o tinatawag na oplan tokhang matapos ang naunang dalawang beses na pinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP para magsagawa ng drugs operation.