Manila, Philippines – Inamin ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at ng Philippine National Police o PNP na wala silang hawak ngayong matibay na ebidensiya na magpapatunay sa naging pahayag nila Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano at Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na posibleng nagagamit ng mga drug lords ang mga human rights group para kontrahin o siraan ang war against illegal drugs ng Administrasyong Duterte.
Sa briefing sa Malacanang ay sinabi ni PDEA Director Derric Carreon na kailangan pa silang magsagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay sa nasabing pahayag.
Pero kung pagbabatayan kasi aniya ang trend ng pag-atake ng mga human rights group sa kampanya laban sa iligal na droga ng pamahalaan ay possible nga aniyang nagagamit sila ng mga drug lords ng hindi nila nalalaman.
Sinabi naman ni PNP Spokesman Chief Superintendent John Bulalacao na sa ngayon ay wala pa silang hawak na data o ebidensiya para patunayan ang mga naging pahayag nila Cayetano at Roque pero patuloy parin naman aniya nila itong iniimbestigahan.