Manila, Philippines – Inihayag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi nila prayoridad sa ngayon ang pagsasampa ng kaso laban sa mga human rights group na umano’y nagagamit ng mga drug lords para siraan ang war against illegal drugs ng administrasyong Duterte.
Ito ay sa harap na rin ng sinabi nila Presidential Spokesman Secretary Harry Roque at Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na posibleng nagagamit ang mga human rights group ng mga drug lords para pahinain ang kampanya ng pamahalaan.
Ayon kay PDEA Spokesman Derrick Carreon, malabo pa silang magsampa ng kaso wala pa silang hawak na matibay na ebidensiya sa nasabing pahayag.
Hindi rin naman aniya ito ang kanilang prayoridad dahil nakatutok sila sa pangangalaga sa kampanya laban sa iligal na droga para makaiwas sa puna ng mga kritiko.
Isa din aniya sa kanilang pinagtutuunan ng pansin ay ang pagpapababa ng demand sa iligal na droga at ipagpatuloy ang drug operations nang walang nilalabag na batas.