Manila, Philippines – Nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng halos 23,000 kaso ng pagpatay na kabilang sa Deaths Under Investigation (DUI) mula nang inilunsad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kampanya kontra ilegal na droga.
Base sa datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM), halos 33 tao ang naitalang namamatay kada araw mula July 1, 2016 hanggang May 21, 2018.
Hindi na binanggit sa report kung saang mga lugar o rehiyon sa bansa ang may pinakamataas na insidente ng DUI.
Nilinaw din ng PNP na iba pa ito sa homicide cases under investigation (HCUI).
Sa #realnumbersph, aabot na sa 4,279 drug suspects ang napatay sa lehitimong police operations mula nang maupo sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte noong July 2016.
Nakapagkumpiska ang PNP ng 20.77 billion pesos na halaga ng ilegal na droga at nakapagbuwag ng 192 shabu laboratories.