Manila, Philippines – Pormal nang inireklamo ng National Union of Peoples Lawyers (NUPL) ang Communication and Complaint sa Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagkakataong ito, ang reklamo na crimes against humanity ay isinampa ng grupong Rise Up at mga pamilya ng mga napaslang na biktima sa war on drugs ng pamahalaan .
Ayon kay NUPL National Chair Atty. Neri Colmenares, nais nilang panagutin ang Pangulo sa mga pagpatay sa may 4,410 o higit pa sa 23 libong katao sa ilalim ng oplan double barrel ng Duterte Administration.
Nagdesisyon na ang grupo na dalhin ang kaso sa international court dahil sa bigat ng sitwasyon at ang pagiging immunity ni Pangulong Duterte sa prosekusyon sa mga korte sa Pilipinas.
Dagdag pa nila ang kawalan na ng tiwala ng mga pamilya sa justice system sa bansa at ang hindi seryosong pag-imbestiga sa kaso.
Umapela ang grupo sa ICC prosecutor na pabilisin ang kanilang desisyon at kasuhan ang Pangulo sa krimen na ginawa ng kanyang administrasyon.