Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bayambang ang sanhi ng sunog na sumiklab sa Pavilion II Warehouse ng St. Vincent Ferrer Prayer Park nitong Huwebes ng tanghali, Nobyembre 6, 2025.
Ayon kay Fire Inspector Joy Carol Palchan, hepe ng BFP-Bayambang, pasado alas-dose ng tanghali nang makatanggap sila ng ulat tungkol sa nasabing insidente.
Agad namang rumesponde ang kanilang mga tauhan kasama ang mga bumbero mula sa mga kalapit na bayan.
Paunang ulat ang nagsasabing posibleng electrical failure ang sanhi ng insidente, ngunit ito ay patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Ayon sa isang saksi, napansin na umano ang pag-spark ng ilang kable sa nasabing pavilion bago sumiklab ang sunog.
Bagaman mabilis na naapula ang apoy, patuloy pa rin ang imbestigasyon hinggil sa pinagmulan at lawak ng pinsala ng sunog.









