Manila, Philippines – Nagsumite na ng kumento ang kampo ni Senator Antonio Trillanes IV sa inihaing tugon ng prosekusyon na humihiling na ibasura ang inilabas na desisyon ni Judge Elmo Alameda hinggil sa inisyu nitong warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban sa senador.
Sa inihain ding nitong reply to prosecution’s opposition hiniling ng kampo ni Trillanes na magdaos ng pagdinig si Judge Alameda upang makapagpresinta sila ng mga testigo na makapagpapatunay na nakapagsumite ang mambabatas ng amnesty application form.
Nais din ng kampo nitong ibasura ang “very urgent ex parte omnibus motion” ng prosekusyon dahil sa kawalan ng sapat na merito bunsod nang matagal na kasing na-dismiss o nabasura ang kasong rebelyon ni Senador Trillanes at itinuturing ng final & executory ang kaso 7 taon na ang nakakaraan.
Samantala, wala paring inilalabas na alias warrant of arrest at hold departure order ang Makati RTC Branch 148 laban pa rin kay Senador Trillanes kaugnay naman ng kaso nitong Coup d’etat.
Pero patuloy pa rin ang mga kagawad ng media at mga tauhan ng Makati City Police na naghihintay sa posibleng ilabas na desisyon ni Judge Andres Soriano.