Tiniyak ng Makati City Regional Trial Court Branch 148 na pag-aaralan pang maigi ang isinumiteng reply o tugon ng prosecution panel sa inihaing formal offer of exhibit o mga karagdagang ebidensya ng kampo ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay nang kinukwestyong amnesty application ng senador.
Ayon kay Clerk of Court Atty. Rhodora Peralta, sensitibo ang kaso kung kaya at kinakailangan ng sapat na panahon ni Judge Andres Soriano para mapag-aralan ang mga isinumiteng ebidensya ng magkabilang kampo.
Sinabi pa nito na hindi minamadali ni Judge Soriano ang pagpapalabas ng resolusyon.
Una nang sinabi ni Judge Soriano na hindi pa niya matiyak ang eksaktong petsa kung kailan siya maglalabas ng desisyon.
Nag-ugat ang kaso makaraang ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iginawad na amnesty kay Senador Trillanes sa pamamagitan ng Executive Order #572.
Si Trillanes ay nahaharap sa non bailable case na Coup d’etat sa Makati RTC Branch 148 kaugnay ng Oakwood mutiny, marine standoff at Manila Peninsula Siege.