Inihain ng Philippine National Police (PNP) sa Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime ang Warrant to Disclose Computer Data para sa YouTube at Facebook.
Ito ay para atasan ang YouTube at Facebook na ilabas ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng online account na ‘Usapang Diskarte’ na sinasabing sangkot sa child exploitation.
72 hours ang hirit ng PNP para ilabas ng Meta Platforms Inc., na dating Facebook, ang mga impormasyon na kanilang hinihingi.
Una nang hiniling ng Senado sa PNP at National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang online account na ‘Usapang Diskarte’ kung saan itinuturo sa mga babae at sa mga menor de edad kung papaano sila magkakaroon ng sexual relationships.
Naglalaman din ang online accounts nito ng mga malisyosong titulo ng video.
Tinutugis na ng mga awtoridad ang nasa likod ng naturang social media account.